Hindi naman siguro kadalas, kasi kayo ang mga modelong mag-aaral ng institusyong ito, kayo ang pinagkatiwalaan ng paaralan na makinig at magbigay ng kuro-kuro tungkol hindi lamang sa inyong kinabukasan, kundi pati na ng mga taong kinakatawan ninyo, bilang kapwa mag-aaral, kaibigan, kakurso o di naman kaya’y maging kapitbahay o ka-ibigan man.
Hindi pa naman ako ganon katanda sa edad na 24 para hindi ko ma-gets ang inyong lenggwahe, kung gusto niyo pa ngang mag-usap tayo na mala-jejemon, pwede rin natin yang gawin. Higit sa lahat, hindi pa naman ganoon kalawak ang aking karanasan upang hindi maituring na kabahagi ninyo, bahagi ng sektor ng Kabataan.
Papaano naman ako mag-iisip ng malayo at ihayag sa inyo kung papaano natin mapapaganda ang ating mga sariling kinabukasan, kung sinabi ko nga, hindi naman nagkakalayo ang mga itsura at mga edad natin? Simple lang yan...
“Age is just a number”- hindi ba, yan ang madalas na sabihin ng matatanda pag gusto nilang makakonekta sa mga nakababata nilang kausap. Gusto nilang palabasin na ang edad ay isang numero lamang na pinatitingkad ng mga lumang paniniwala, tradisyon at ang normal na pagbabago ng katawan.
Pero hindi lahat ng utak ay nagkakaedad. Kung sumasabay nga ang edad ng katawan sa gulang ng utak, bakit may mga tinatawag tayong isip-bata at kilos-matanda?
Anong pinapakahulugan ko dito? Simple lang po. Hindi nabibilang sa kung ilang taon ka na nabuhay o sa dami ng pisikal na pagbabago, ang magagawa mo para sa iyong paaralan, komunidad at higit sa lahat, para sa iyong bansa.
Bakit may mga batang kinse anyos lang ay nagiging milyonaryo na? Bakit may mga nagwagi sa gymnastics na sa edad na 12 ay nagdala na ng karangalan sa ating bansa sa pamamagitan ng mga gintong medalya? Bakit naging sikat at maimpluwensiya ang mga tulad nila Santino, Trudis Liit at Momay, kahit na hindi pa nila nauunawaan nang lubusan ang kanilang mundong ginagalawan
“Greatness doesn’t come with age. It comes as a grace labored through hardwork and unrelentless drive, regardless of age.”
Dahil pinili nilang maging magaling at paghusayan ang kanilang angking galing, higit pa si idinidikta ng kanilang edad o katayuang pisikal.
Ang pagiging magaling ba o mahusay sa isang bagay ay nadidikta ng edad? Kung ikaw ba ay hindi man ganoon kagwapo o kaganda, kamacho o kasexy, wala ka na bang magagawa para magamit ang iba mong talento bukod sa pag-aartista? Ang mundo ba’y gumugulong na lang sa mga programang tulad ng Wowowie, Willing-Willie at iba pang mga palabas na nagbibigay ng malalaking papremyo?
Totoo, hindi lahat ng tao ay masuwerte at buwenas, pero naniniwala ako na lahat ng tao ay may kakayahan at may kakayanang maging magaling sa iba’t ibang larangan. Tulad ninyo, minamata kayo ng ibang tao dahil ang pinili ninyo ay Nursing. Maraming magsasabi na kayo ay nasisilaw ng pangako ng pangingibang bansa, na ito ang inyong kurso dahil ito ay sikat at napapanahon. Panahon na siguro para patunayan ninyo na kahit na nasa likod ng mga isip niyo ang mga bagay na ito, ang pangunahing ninanais niyo lamang ay mas maganda at maginhawang buhay para sa inyong pamilya. Hindi masamang maging nurse, na gumagamot at nag-aaruga sa mga maysakit, na nagbibigay kalinga sa mga taong nalulumbay sa karamdaman, na maging kaagapay ng mga taong gustong maging normal ang buhay. Ito ay isang bokasyon, hindi lamang isang propesyon, hindi lamang isang trabaho.
At walang dapat makapigil sa inyo sa pagiging magaling ninyong nurse,kesyo kasi matanda o bata kayo, o di naman kasi hindi kaakit-akit ang inyong pisikal na pangangatawan, dahil simula sa araw na ito, hindi na kayo papayag na isang hamak na nurse lang ang itatawag sa inyo.
“Today, you have been inducted into the hall of excellent nurses, and today is the beginning of your oath and commitment to excellence.”
Ang pagiging magaling na manggagawa sa isang bansa ay hindi nakukuha nang pangmadalian. Ito ay pinaghihirapan, at ito ay nagsisimula sa paaralan, kung nasaan kayo ngayon, kung saan pilit niyong hinuhubog ang inyong kagalingan.
Lahat naman tayo ay may kakayahan at kakayanan, pero babalik tayo sa unang talata ng talumpating ito... Iilan nga ba sa inyo ang nahuli na, o sa mas malalim na pakahulugan, ilan ba sa inyo ang nagawa na ito? Ilan na ba ang nahuli ninyo, at ilan na ba ang napagbigay alam ninyo sa mga kinauukulan?
Masyado nang maraming kurakot sa lipunan, mandaraya, manggagamit, at higit sa lahat, bulag at pipi sa katotohanan. Gusto niyo pa bang sumama sa kanila? Gusto niyo pa bang lumobo ang populasyon ng mga ganitong klaseng tao sa bansang Pilipinas?
Kung sa maliit na bagay, hindi kayo mapagkakatiwalaan, lalo na siguro sa malaki.
Siguro yung iba, sasabihin, iba naman ang paaralan sa trabaho. Eto ang sagot ko sa inyo, “Iho, hindi lang naman ang ginagalawan niyo ang nagbabago, pero pati na rin ang pamantayan niyo sa buhay.
Kung ngayon kaya mong mangopya lang, syempre, wala ka pa namang kakayanang manguha ng pera. Pero pagdating mo sa negosyo, tingin mo ba, kaya mong pigilan ang sarili mo, kung noong nag-aaral ka pa lang eh kayang kaya mong lokohin ang sistema sa ginagawa mo?”
Dito sa Pilipinas, masakit magsabi ng katotohanan, dahil kadalasan, kung sino yung mga gumagawa ng tama, sila pa ang nagdurusa.
Tanong, sino ba ang nakakalimot, nagpapabaya, nagsasawalang bahala sa mga bagay na pinaghirapan ng iilang mga taong ganito, hindi ba tayo? Hindi ba ang nasa paligid mo? Hindi ba ang mga taong kasama mo sa bahay, o sa iyong komunidad?
Bago tayo tumanaw sa kinabukasan, o bago pa man natin tingnan ang pagkalayo-layong dekada mula ngayon, pag-usapan natin ang mga bagay na bubuo ng posibilidad sa kinabukasan, dahil kapag ganito pa rin ang kalakaran at sistema natin sa buhay, baka wala na tayong kinabukasang pinag-uusapan pa.
“There are so many things we can do today for the present and future. Why do we have to think so far of what we’re going to do, if we can start doing things today?”
Una, bakit kailangang tanggapin ng isang lipunan ang mga kabulukan sa sistema? Dahil ito ang popular o hindi ito mapigilan?
Kung gusto natin ng isang maayos at magandang pamayanan, sa sarili natin, gawin natin ang tama, may nakakakita man sa atin o wala. Hindi na bale kung sabihan tayong KJ, o OA, kaysa naman sa hinaharap, tayo ang nakakulong, tayo ang pinupulaan, at higit sa lahat, sa mata ng Diyos, tayo ang nagkasala.
Pangalawa, hindi dapat gawing dahilan ang edad para gawin ang mga bagay na tama. Hindi mo naman siguro kailangang maging matanda para magtapon ng basura sa tamang lalagyan? Hindi mo naman siguro kailangang maging matanda para sumunod sa mga simpleng batas trapiko? Ang paggawa ng tama, walang kinikilalang edad o pisikal na kaanyunan.
Sa paggawa ng tama, lahat tayo nagkakapantay-pantay, hindi nakakaangat ang mayaman sa mahirap, hindi mahalaga kung guwapo ka o hindi man, at higit sa lahat, walang bata sa matanda.
Pangatlo, walang propesyong nakalalamang sa iba, batay sa pangangailangan. Oo, sabihin nating iba-iba ang antas, iba-iba ang sahod, iba-iba ang kinakailangang kakayahan, pero ang lahat ng gawaing ito ay layuning makapagpabuti sa bawat isa, kalusugan man yan, sa pagkain man o kahit sa pamahalaan.
Kung ituturing natin ang ating trabaho bilang isang bokasyon, siguro masarap mabuhay, kasi nakikita nating mahal ng bawat isa ang kanilang ginagawa, pinagbubutihan, pinagsisikapan.
Sa lahat ng ito, sa lahat ng pag-aasam sa maginhawang buhay, lahat masaya, walang naargabiyado, walang nalalamangan.
Higit sa lahat, sa paghahangad natin ng magandang buhay, lahat tayo sabay-sabay umaangat, at walang naiiwan.
I’ll end my speech in English, because I was asked to speak before you about Making the Future Work for Us...
I do not have the monopoly of solutions and even the very best answers, because same as you, I’m still working towards that ultimate goal. But what I can say is that we have to create the possibilities for ourselves, because nobody will do that for us.
We have to re-invent ourselves- our behavior, our outlook, our strategies and even our ambitions, because it is only through this that the future will work for us.
Muli, salamat at mabuhay ang Bagong Kabataan.
excellent! thumbs up!
ReplyDeletenice po ^_^
ReplyDelete